Robredo nanawagan sa mga gov’t officials na huwag nang gumamit ng “wang-wang”

Tinawag ni Vice President Leni Robredo na ‘insulto’ ang paggamit ng mga opisyal ng gobyerno ng ‘wang-wang’ sa kanilang mga biyahe.

Sa kanyang radio program na “BISErbisyong LENI” araw ng Linggo, nanawagan si Robredo na hindi na dapat pang gumamit ng wang-wang ang mga opisyal.

Ito ay sa gitna ng nararanasang mabigat na trapiko sa Metro Manila.

Giit ng bise presidente, kung palaging may wang-wang ang mga opisyal ng gobyerno ay hindi mararamdaman ng mga ito ang bigat na dinadala ng Filipino commuters bawat araw.

“‘Pag palaging ganito ‘yung kalakaran ng government officials talagang paano mo mararamdaman ‘yung bigat na dinadala ng ating kababayan?” ani Robredo.

Ayon pa kay Robredo, tila ang paggamit ng wang-wang ay paraan pa ng pagsasabi na lakad lang ng government officials ang mahalaga at hindi ang lakad ng mga ordinaryong mamamayan.

“Sobrang insulto ‘yun, ‘yung wang-wang kasi parang sinasabi mo ‘yung mga lakad niyo hindi importante lakad ko lang ‘yung importante,” dagdag ni Robredo.

Unang hakbang anya ang hindi paggamit ng wang-wang para maramdaman ang hirap ng pag-commute.

“‘Yung next step, maramdaman niyo lang ‘yung hirap na dinadaanan sa pag-commute. HIndi lang ‘yung one day pero ‘yung araw araw na na gigising ka ng alas tres ng umaga tapos makakarating ka alas nuebe ng gabi,” giit ng bise presidente.

Read more...