Robredo: Gobyerno dapat umaming may ‘transport crisis’

Naniniwala si Vice President Leni Robredo na dapat aminin ng gobyerno na mayroon talagang transport crisis sa bansa.

Sa kanyang radio program na “BISErbisyong LENI” araw ng Linggo, sinabi ni Robredo na kapag hindi kinilala ng mga opisyal na gobyerno na may krisis, ibig sabihin lamang nito ay walang gagawin para tugunan ito.

“Iyong nakakalungkot lang kapag iyong public official nagsasabi na walang krisis. Kasi kapag sinabi mo walang krisis, wala ka talagang gagawin. Kasi para sa iyo walang problema,” ani Robredo.

Upang may gawin, kailangan anyang umamin na may malaking problema.

Ang pahayag ni Robredo ay matapos ang pagkagat ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa commute challenge ng mga militanteng grupo.

Inabot ang kalihim ng halos apat na oras mula Marikina patungong Malacañang ngunit sinabi pa rin nito na walang transport crisis.

Pero ayon Kay Robredo ang halos apat na oras pa lang na commute ni Panelo ay patunay na ng krisis na hinaharap ng commuters.

Mabuti anya’y naranasan ito ni Panelo ng isang beses man lang, pero nakalulungkot umano na nararanasan ito kada araw ng mga simpleng mamamayan.

“Mabuti si Sec Panelo once niya lang naramdaman pero mga kababayan natin araw-araw, ito ‘yung pakikibaka,” dagdag ng bise.

Payo ni Robredo sa pamahalaan, seryosohin ang pag-aayos sa transport system ng bansa.

Read more...