Buhay party-list Rep. Atienza: hindi dapat ibalik ang death penalty dahil sa mga tiwaling pulis
Iginiit muli ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza na hindi maaaring ipatupad ang death penalty sa bansa.
Ayon kay Atienza ang pagkakasangkot ng mga pulis sa mga iligal at criminal activities ay sapat na dahilan para hindi na ibalik sa bansa ang parusang kamatayan.
Aniya na dahil sa mga iligal na gawain ng mga tiwaling pulis ay nagiging mas vulnerable ang publiko sa extortion at drug evidence-planting.
Maaaring anya gamitin ang death penalty bilang pantakot ng mga tiwaling pulis para hingan nga malaking halaga ng pera ang kanilang mga biktima.
Dahil dito naniniwala si Atienza na maaari ring maabuso ang parusang kamatayan ng mga tiwaling matataas na opisyal ng pulis.
Magugunita, muling isinusulong sa kamara ang death penalty na ibalik bilang parusa sa mga nagkasalang may kinalaman sa plunder, kidnapping at panggagahasa, kasama rin dito ang kasong kaugnay sa ipinagbabawal na droga.