Malacañang: Pilipinas ligtas pa rin para sa mga dayuhan

Iginiit ng Palasyo ng Malacañang na ligtas pa rin para sa mga turistang dayuhan ang Pilipinas sa kabila ng pagdukot sa isang British national at asawa nito sa Zamboanga del Sur.

Sa press briefing araw ng Biyernes, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ligtas pa rin ang bansa ngunit aminadong may mga iilan na nakalulusot pa rin.

“Oo naman, siyempre safe. Kaya lang accidents happen, kung minsan nalulusutan ka rin,” ani Panelo.

Ipinagtanggol din ng kalihim ang implementasyon ng martial law sa Mindanao na anya’y malaki ang tulong para masawata ang kriminalidad sa Mindanao.

Ayon kay Panelo, epektibo ang batas militar dahil ngayon lang naman nagkaroon ulit ng krimen.

“Given na two years na iyong martial law doon at mukhang iyong number of crimes halos wala, maliban dito sa bago ngayon, ibig sabihin effective. You can just imagine kung walang martial law, baka hindi lang iyon,” ani Panelo.

Tiniyak naman ng kalihim na ginagawa ng mga awtoridad ang Mindanao ang lahat para protektahan ang mga residente ng rehiyon.

Patuloy na pinaghahanap si Allan Hyron at ang kanyang asawa matapos silang dukutin sa loob mismo ng kanilang beach resort sa Zamboanga del Sur.

Read more...