PNP itinanggi ang ulat ng ‘resignation’ ni Albayalde

Itinuring ng Philippine National Police (PNP) na fake news ang kumakalat na balita sa social media na nagbitiw na ang pinuno ng pambansang pulisya na si General Oscar Albayalde.

Itinangg ni PNP spokesman Sr. Supt. Bernard Banac ang umanoy resignation ni Albayalde sa gitna ng isyu ng “ninja cops” o mga pulis na sangkot sa drug recycling.

Ayon kay Banac, mali at peke ang naturang balita.

Una nang pinabulaanan ni Albayalde ang mga akusasyon laban sa kanya na lumabas sa imbestigasyon ng Senado.

Sinabi ng PNP chief na mayroong “conspiracy” at pinagkakaisahan siya para madiin sa isyu ng ninja cops.

Inakusahan ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong si Albayalde na umano’y nakinabang sa drug raid sa Pampanga noong 2013 at hinarangan umano ang pagsibak sa mga dati nitong tauhan.

Habang ibinunyag ni retired police official Rudy Lacadin na sinabi umano ni Albayalde na kaunti lamang ang tinanggap niya mula sa naturang kwestyunableng operasyon.

 

Read more...