Ayon kay Manila Water spokesman Jeric Sevilla, magtataas sila ng sewerage charge ng hanggang P26.70 per cubic meter kapag ipinatupad nila ang kautusan ng Supreme Court.
Paliwanag ni Sevilla, kailangan din nilang maghukay ng kilo-kilometrong haba ng kalsada kabilang sa EDSA kaya lalala anya ang trapik.
Sa ngayon anya ay nasa P3.5 billion na ang lugi dahil sa traffic congestion at maaari itong tumaas dahil sa SC ruling.
Sa utos ng korte noong August 6, pinagtibay ang ruling ng Court of Appeals na guilty ang Manila Water at MWSS ng paglabag sa Section 8 ng Clean Water Act, na ang mandato ay magkaroon ng koneksyon ang lahat ng sewage lines sa sewerage system sa loob ng 5 taon.
Sa kanilang apela ay sinabi ng Manila Water na sumunod na sila sa kanilang responsibilidad at hindi na sila dapat patawan ng multa.
Nagkaroon na umano ng interconnection ang 61,000 sa 63,000 na customers ng Manila Water sa kanilang sewer network noong 2009 na pasok sa five-year period.