Ipinababalik ni House Deputy Speaker at 1SAGIP Rep. Rodante Marcoleta ang tinapyas sa pondo ng Department of Health sa susunod na taon.
Ayon kay Marcoleta, may kabuuang alokasyon na P88 billion sa ilalim ng 2020 General Appropriations Bill ang DOH.
Pero Isusulong anya nito sa Bicameral Conference Committee na ibalik ang P10.6 billion para sa pagtatayo ng mga karagdagang pasilidad at upang hindi na pumila ng mahaba ang mga kababayan.
Kaugnay nito hinikayat ng mambabatas ang gobyerno na tugunan ang pangangailangang medikal ng mamamayan sa halip na pagtuunan ng pansin ang banta ng African Swine Fever sa mga baboy.
Bagama’t mahalagang isyu anya ang ASF ay higit na nakababahala ang paglobo ng occupancy rate sa mga ospital dahil sa kakulangan sa kapasidad ng medical facilities.
Sa katunayan, sa Metro Manila pa lamang aniya ay tumaas na ang occupancy rate sa 236 percent habang sa government hospitals tulad ng San Lorenzo Ruiz Women’s Hospital ay 450 percent, Basilan General Hospital na may 400 percent, at 300 percent sa Ospital ng Palawan.
Para naman patunayan sa publiko na ligtas pa ring kumain ng pork products sa kabila ng pag-iral ng ASF ay pinangunahan ni Marcoleta ang pagkain ng lechon at iginiit na wala namang epekto sa tao ang kinatatakutang virus sa mga baboy.