Nasa kustodiya na ng Manila Police District (MPD) ang apat na suspek na itinuturong nasa likod ng pananambang kay Batuan, Ticao Island, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III.
Ito ay dahil sa ginawang dragnet operation ng mga otoridad ng MPD matapos mangyari ang pamamaril.
Subalit tumanggi muna ang MPD magbigay ng karagdagang impormasyon o pagkakakilanlan ang mga suspek.
Paliwanag ni MPD District Director PBrigadier General Vicente Danao Jr. kukunan muna nila ng pahayag ang mga suspek.
Aniya titiyakin muna nila na ang mga nahuling apat na lalaki ay may kinalaman sa nangyaring pamamaril kay Yuson.
Umaga ng Miyerkules, Oct 9, habang naga-almusal ang bise alkalde at ang dalawang mga kasama nito sa Barangay 423, Sampaloc Maynila nang may biglang huminto sa tapat ng mga biktima na isang van at bumaba ang mga suspek at niratrat ang grupo ng Yuson.
Naisugod pa sa UST hospital si Yuson, pero binawian din ito ng buhay kinalaunan habang ginagamot pa ang dalawang kasama ng Bise Alkalde na sina Wilfredo Pineda, 44-anyos at Alberto Yuson Alforte, 23-anyos sa nasabing ospital.