Kolumnistang si Ramon Tulfo sinampahan muli ng isa pang libel complaint

Muling ipinagharap ng reklamong libelo sa piskalya ni BIR Commissioner Caesar Dulay ang kolumnistang si ramon tulfo.

Ito na ang ikalawang libel complaint na isinampa ni Dulay laban kay Tulfo.

Ang panibagong reklamo ay nag-ugat sa mapanirang column ni Tulfo na inilathala sa Manila Times noong September 14 kung saan tinawag si Dulay na corrupt, ganid, magnanakaw, ‘Minion of Satan’, greedy extortionist at iba pa.

Tig-dalawang bilang ng libelo, cyber libel at incriminatory machinations ang isinampa ng BIR chief laban kay Tulfo sa Quezon City Prosecutors Office.

Sa column ni Tulfo, pinaratangan nito si Dulay na binawasan ang delinquency tax ng Cosmos Bottling Corporation mula P3.76 billion sa P51 million na lang sa kabila ng desisyon ng Court of Tax Appeals (CTA) na dapat magbayad ang kumpanya sa gobyerno ng P3.76 billion.

Pero sa kanyang reklamo laban kay Tulfo, iginiit ni Dulay na hindi niya binawasan ang delinquency tax ng Cosmos at wala siyang sinuway na anumang kautusan ng CTA.

Bukod sa mga reklamo ni Dulay, una na ring sinampahan si Tulfo ng dalawang magkahiwalay na kaso ng libelo sa piskalya ng dalawang iba pang opisyal ng BIR.

Read more...