May mga bagong testigong sasalang sa pagpapatuloy ngayong araw ng imbestigasyong isinasagawa ng Senate Blue Ribbon committee sa isyu ng ‘ninja cops’ o mga pulis na sangkot sa recycling ng iligal na droga.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, ilang indibidwal pa ang pinadalhan ng subpoena para magbigay ng testimonya sa kaso ng 13 pulis-Pampanga.
Ang 13 pulis ay mga dating tauhan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde noong siya pa ang Pampanga police provincial director.
Hindi pinangalanan ni Sotto ang mga bagong testigo pero tiniyak nito na may ‘pasabog’ ang mga ito at may mga bagong ebidensya na isisiwalat.
Ayon naman kay committee chairman Sen. Richard Gordon, ang mga magsasalita ngayong araw sa pagdinig ay dating PNP-officers.
Inaasahan pa anyang magigisa lalo si Albayalde sa kontrobersiya matapos ang umano’y pakikialam sa dismissal ng Pampanga cops na pinangunahan ni Police Maj. Rodney Baloyo.