DA nagsasagawa ng tests sa Plaridel, Bulacan dahil sa posibleng kaso ng ASF

Nagsasagawa na rin ng confirmatory tests ang Department of Agriculture (DA) sa isang baranggay sa Plaridel, Bulacan dahil sa posibleng kaso ng African Swine Fever (ASF).

Ito ay matapos iulat ng isang hog raiser sa Brgy. Sipat ang pagkamatay ng kanyang alagang mga baboy.

Ayon kay ASF Crisis Management Team head Rieldrin Morales, kumuha na ng blood samples ng mga baboy kahapon, araw ng Martes, para sa agarang pagsusuri.

Sakaling magpositibo sa ASF, papatayin ang lahat ng baboy sa loob ng 1-kilometer radius.

Sinabi naman ni Morales na posibleng magkaroon ng delay sa paglabas ng resulta dahil sa volume ng samples na sinusuri.

Lahat kasi anya ng babuyan sa Bulacan kahit ASF-Free ay pinagsusumite ng blood samples para mabigyan ng permit sa pagbenta at pagpapadala ng mga baboy.

Labing-pitong lugar na sa Luzon ang nagpositibo sa ASF at umabot na sa higit 20,000 baboy ang napatay ayon sa DA.

Read more...