“MRT3, aberya at Abaya” sa ‘Wag kang Pikon ni Jake Maderazo

Photo Credit: Jun Bert Afable
Photo Credit: Jun Bert Afable

NITONG nakaraang Biyernes dalawang beses nagkaaberya ang MRT 3.

May pangako naman si Transportation Sec. Jun Abaya na mas gaganda raw ang sitwasyon ng MRT3 sa Marso sa sandaling maging operational na ang tatlong coaches na galling sa Dalian Automotive sa China.

Katunayan, tatlo ang dumating sa bansa noong Dis. 23 at sinusubok na ngayon sa MRT3 depot.

Bago mag-Marso, may apat pang darating at bago matapos ang 2016, meron nang 48 na bagong mga tren kung saan ang “capacity” ng MRT 3 ay luluwag ng 67 porsyento.

Kasabay nito, pumirma si Abaya sa kontrata ng bagong maintenance provider ng MRT, ang South Korea’s Busan Transportation Corp na ang mga kasosyong Pilipino ay ang Edison Development & Construction, Tramat Mercantile Inc., TMICorp Inc. at Castan Corp.

Ang “negotiated contract” o walang bidding na kontrata ay nagkakahalaga ng P3.81 bilyon sa pagitan ng DOTC at ng maintenance provider ay para sa tatlong taon.

Ayon sa mga kritiko, lahat ng kumpanyang ito ay walang track record sa light rail operations. Bukod dito, ang pirmahan ng kontrata ay limang buwan bago mag-eleksyon. Kung panahon ito ni dating PGMA, tatawagin itong midnight contract.
Pero ano ba ang talagang nangyayari sa MRT3?

Ang totoo niyan, pursigido si Abaya sa “total buyout” ng gobyerno sa MRTC, ang pribadong may-ari ng MRT3. Naglaan pa nga ng pondong P54B sa 2016 budget para bayaran ang mga private owners o itong Sobrepeña group at Metro Pacific.

Nauna rito, nag-alok si Manny Pangilinan at private owners na gagastos sila ng $600-M (P28-B) para mapabuti ang serbisyo ng MRT3, pero tinanggihan ito ng DOTC.

Kung susuriin, 20 porsyento na lang ang “private ownership” ng MRT3, gobyerno na talaga ang may-ari ng MRT3 dahil ang natitirang 80 porsyento ay pag-aari ng Development Bank of the Philippines at Land Bank of the Philippines na ngayo’y meron ngang pito sa 11 board seats ng MRTC.

Ito rin ang dahilan kung bakit noon pang 2012 ay mismong DOTC sa ilalim ni dating Sec. Mar Roxas na ang nagpapatakbo ng MRT3. At mula noon ay nagsimula na ang kalbaryo ng MRT commuters, lalo nang ipasok ang iba’t ibang fly by night na kontratista sa MRT3 na nagkasunud-sunod ang mga aberya.

Ngayong limang buwan na lang ang nalalabi sa administrasyong Aquino, bakit pinipilit pa rin ng gobyerno ang “total buyout” at kunin ang 20 porysento ng minority gayong 80 porsyento ay hawak na ng gobyerno?

Hindi ba’t yung LRT1 na biyaheng Roosevelt- Baclaran ay 100 porsyentong pag-aari ng gobyerno at hindi nalulugi ang operasyon pero bakit pinakontrata ng DOTC sa private company o itong LRMC (consortium ng Ayala at Pangilinan)?

Ganito rin ba ang gusto nilang gawin sa MRT3 sakaling matuloy ang “total buyout?” Kaninong grupo ng mga negosyante naman nila ibibigay ang MRT3? Hindi ba pwedeng sa susunod na administrasyon na lang desisyunan ang mga bagay na ito?

Hindi na ba makapaghintay ang napangakuan ninyo at kahit magpapalit na ng administrasyon ay “total buyout” pa rin kayo? Mga Boss, parang garapal na yata? Kami po ay nagtatanong lang!

Read more...