Ayon kay dating Comelec Chairman Sixto Brillantes, hindi maaring nag-iisang Commissioner lamang ang magsumite ng komento, maliban na lamang kung mayroong otorisasyon ng Comelec Chairman at mga kapwa Commissioners.
Paliwanag ni Brillantes, pwede namang isumite ng isang Comelec Commissioner ang komento gaya ng ginawa ni Commissioner Rowena Guanzon, pero dapat ay suportado ito ng resolusyon na nilagdaan ng mayorya o lahat ng miyembro ng en banc.
Hindi normal ayon kay Brillantes ang ginawa ni Guanzon na hindi man lamang nagsabi kay Comelec Chairman Andres Bautista na natapos na niya ang komento at ipapasa na niya ito sa SC.
Aniya bilang respeto, dapat inabisuhan muna ni Guanzon si Bautista at mga kapwa Comelec Commissioners.
Sa isyu naman ng paglalabas ng memo ni Bautista na nag-aatas kay Guanzon para magpaliwanag, sinabi ni Brillantes na normal lamang ito.
Gayunman, mas mabuti aniyang hindi na ito isinapubliko ni Bautista para hindi na naging usap-usapan.
Dahil aniya sa nangyayari ngayon ay naaapektuhan ang kredibilidad ng poll body.
Sinabi ni Brillantes na noong panahon niya bilang chairman ng Comelec, may mga isyu rin silang hindi napagkakasunduan pero pinag-uusapan nila ito sa executive session.