“Natural causes” dahilan ng kamatayan ni Carlos Celdran ayon sa kanyang pamilya

Inquirer file photo

Namatay na ang kilalang kritiko ng administrasyong Duterte at cultural activist na si Carlos Celdran sa edad na 46.

Ito ang kinumpirma ng kanyang misis na si Tesa sa pamamagitan ng Facebook post.

Bukod sa namatay si Celdran sa “natural causes” ay wala pang inilalabas na detalye ang pamilya nito.

Kilala bilang tour guide at historian sa Intramuros sa Maynila, noong 2010 ay naging laman rin ng mga balita si Celdran makaraan siyang magsagawa ng “Damaso” protest sa loob ng Manila Cathedral habang nagmimisa si dating Manila Archibishop Gaudencio Cardinal Rosales.

Umabot sa Supreme Court ang reklamong inihain sa kanya at noong 2018 ay pinagtibay ang guilty verdict nya dahil sa pambabastos sa “religious feelings” sa ilalim ng Article 133 ng Revised Penal Code.

Kamakailan ay naging usapin sa social media ang kanyang tweet na “Good. Now die. Please. Kthanxbye” makaraang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang talumpati sa Moscow na mayroon siyang myasthenia gravis na isang uri ng chronic autoimmune neuromuscular disease.

Sinabi pa ng ilang netizen na nakarma si Celdran sa kanyang naging pahayag.

Read more...