Walang mass transport crisis sa Metro Manila.
Ito ang naging paninindigan ng Malacanang matapos sabihin ng militanteng grupong Bayan na mayroong krisis ngayon sa mga mass transport system dahil sa pagkasunog ng rectifier ng LRT line 2 sa may bahagi ng Katipunan station sa Quezon City at ang pagpalya ng operasyon ng LRT line 1 at MRT 3.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nakararating pa naman sa mga paroroonan ang mga pasahero dahil nakasasakay pa naman sa iba pang uri ng mga pampublikong sasakyan.
Ibinida pa ni Panelo na malaki na ang ipinagbago ng railway system sa bansa dahil kung dati rati ay halos araw araw na pumapalya ang MRT at LRT ngayon ay isang beses na lamang sa loob ng isang linggo.
Iginiit pa ni Panelo na ang nararanasan lamang ngayon sa Metro Manila ay ang matinding traffic.
Payo ni Panelo sa mga nangangasiwa ng MRT at LRT, dapat na maging pro-active at agad na bigyan ng solusyon ang problema.
Kung ang piyesa lamang aniya ang problema ay dapat na umorder na kaagad para hindi maantala ang mga biyahe.
Hindi naman kasi aniyang maaring forever na lamang na magkaaberya ang LRT at MRT dahil kung hindi agad na malulutas ang problema, senyales ito na mayroong problema ang management dahil hindi mistulang hindi alam ang soklusyon sa kanilang mga problema.