Nangangamba ang mga lokal na lider sa bayan ng Datu Abdullah Sangki sa lalawigan ng Maguindanao na pagmulan ng gulo sa pagitan ng mga Muslim at Kristiyano ang panghihimasok ng dalawang armadong grupo sa kanilang lugar.
Tinutukoy ng mga residente ang pagpasok sa kanilang bayan ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at mga miyembro ng pro-government militia na kilala sa bansag na ‘pulahan’ na nagtatalo sa isyu ng lupain sa lugar.
Ang ‘pulahan ‘ ay mga armadong militia na nabuo noon pang panahon ng martial law.
Ayon kay dating Vice Mayor Datu Ali Camino, dapat na panghimasukan ng mga lokal na pamahalaan at maging ng mga civil society groups ang posibilidad na sumiklab ang mas malawak na gulo sa kanilang lugar dahil sa mga armadong grupo.
Simula pa noong bago mag-Pasko aniya, may mga nangyayari nang engkwentro sa pagitan ng dalawang grupo.
Hiling naman ni Sammy Maulana, isang fact-finding mission dapat ang mabuo na susundan ng isang inter-faith dialogue upang maibsan ang tensyon sa mga bayan ng Ampatuan at mga kalapit na lugar.
Nagsimulang ang sitwasyon sa naturang lugar na nagsisilbing boundary sa dalawang bayan ng Maguindanao at Esperanza sa Sultan Kudarat nang italaga ng Municiapl Agrarian Reform Office ang 15 magsasakang Moro bilang benepisyaryo ng CARP sa Bgy. Banaba.
Noong August 2015, napatay ng diumano’y mga miyembro ng ‘pulahan group’ ang dalawang magsasakang Moro.
Nagkaroon ng gantihan sa pagitan ng magkabilang panig simula noon.
Lumala pa ang sitwasyon nang salakayin naman ng BIFF noong bisperas ng Pasko na ikinamatay ng 11 magsasaka.