Tinatarget nang simulan sa buwan ng Hunyo ang bidding para sa proyektong dalawang rapid exit taxiways (RETs) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nagkakahalagang P300 milyon.
Layon ng pagtatayo ng mga RETs na maibsan sa aberya at problemang nararanasan ng mga pasahero sa NAIA sanhi ng flight delays.
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) assistant general manager for operations Ricardo Medalla Jr., mababawasan ng RETs ng limang segundo ang ginugugol na oras ng eroplano sa paglapag nito sa runway.
Sa ganitong paraan, mas mabilis rin nitong mabibigyang daan ang susunod pang eroplano na lalapag sa parehong runway.
Kadalasan kasing dalawa hanggang tatlong minuto ang itinatagal ng bagong lapag na eroplano sa runaway na nagsasanhi rin ng arrival delays.
Noong nakaraang buwan lamang ay binuksan na ang 640-meter taxiway extension November na nagkakahalagang P452 million, upang maibsan rin ang air traffic sa NAIA.
Dahil sa taxiway November, ang dating 80 seconds na ginugugol ng eroplano para mag-maniobra, ay bumaba na ng mas mababa pa sa isang minuto.