Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nasa kabuuang 158 na distressed OFWs ang umuwi ng Pilipinas dahil walang tamang travel documents.
Sa nasabing bilang, nasa 74 OFWs ang nagmula sa Abu Dhabi habang nasa 84 naman ang nagmula sa Dubai.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola, personal nilang sinalubong ang mga OFW sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Muli namang nagpaalala ang DFA sa mga Filipino na huwag gamitin ang tourist o visit visa sa paghahanap ng trabaho sa ibang bansa.
Paliwanag ng kagawaran, mas delikado ang mga OFW na walang tamang employment document sa pangmamaltrato ng mga employer.
Sagot naman ng DFA ang maintenance at operating costs ng government shelters sa Abu Dhabi at Duabi kung saan pansamantalang namalagi ang mga OFW.
Maliban dito, ang DFA rin ang umako ng exit visas at plane ticket ng mga OFW pauwi ng Pilipinas at kani-kanilang probinsya.
Nakatanggap din ang mga OFW ng tulong-pinansiyal mula sa gobyerno kasama ang pasalubong package at medical check-up.