Walang nanalo sa pinakahuling draw ng US Powerball lottery sa Estados Unidos.
At dahil sa walang winner ngayong weekend, aabot na sa 1.3 bilyong dolyar o katumbas ng mahigit-kumulang sa 61 bilyong piso (P61,000,000,000.00) ang matatanggap ng sinumang makukuha ang kombinasyon sa susunod na draw nito.
Nalampasan na nito ang 2012 record na $656 million na napanalunan ng tatlong winners.
Bago ang huling draw, umabot na sa $950 million ang jackpot prize noong nakaraang Sabado kaya’t lumobo ang bilang ng mga bumibili ng Powerball lottery ticket.
Sa kabila nito, wala pa ring nanalo sa kombinasyong 32-16-19-57-34 at Powerball na 13 kaya’t pumalo na ang jackpot sa $1.3 billion.
Sakaling may tumama, maaring makuha ng winner ang kanyang kabuuang napanalunan sa pamamagitan ng installment o di-kaya ay cash na mas mababa nang kaunti sa kabuuang jackpot.
Sa Powerball lottery, 69 na puting bola ang pagkukunan ng unang limang kombinasyon samantalang may hiwalay na 26 na bola ang pagkukunan ng huling numero na tinatawag na powerball.
Tulad ng Lotto, maaring kahit anong pagkasunud-sunod ang unang limang numero ngunit kinakailangang eksakto ang huling ikaanim na numero upang manalo ng jackpot.