Ayon kay Meralco utility economics head Larry Fernandez, posibleng hindi malayo ang power rates ngayong Oktubre sa singil noong Setyembre at may posibilidad ding may bahagyang pagbaba.
Sakaling may bawas-singil ngayong buwan, ito na ang ikaanim na sunud-sunod na buwang bumaba ang presyo ng kuryente.
Mula noong Mayo ay umabot na sa P1.52 per kilowatt hour ang natapyas sa singil ng Meralco.
Ayon kay Fernandez, naging pababa ang singil sa kuryente sa spot market bukod pa sa natirang refund na iniutos ng Energy Regulatory Commission (ERC) at paglakas ng piso kontra dolyar.
Samantala, posibleng magandang balita ang sasalubong sa mga motorista sa susunod na linggo.
Ito ay dahil sa namumuro na namang rollback sa presyo ng petrolyo.
Batay sa unang tatlong araw ng trading sa merkado, P0.80 hanggang P0.90 kada litro ang nabawas sa presyo ng imported na gasolina.
Nasa P0.60 hanggang P0.70 naman ang natapyas na sa presyo ng kada litro ng diesel at kerosene o gaas.
Ngayong araw, Biyernes malalaman ang pinal na galaw ng presyo sa petrolyo para sa susunod na linggo.