Aquino, Magalong mayroong ‘death threats’

Inihayag nina Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong na nakakatanggap sila ng mga banta sa kanilang buhay.

Ito ay kasunod nang kanilang mga pahayag sa imbestigasyon ng Senado ukol sa “ninja cops” o mga pulis na sangkot sa drug recycling.

Ayon kay Aquino, hindi siya nakakatulog dahil iniisip niya ang katotohanan ukol sa isyu ng droga o ang kaligtasan ng kanyang pamilya.

Pero binigyan umano si Aquino ng basbas ng kanyang mga anak na sabihin na ang totoo.

Nilinaw naman nito na hindi siya kumambyo sa kanyang unang pahayag ukol sa pagkasangkot ni Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde sa ninja cops kundi nagtanggal lamang siya ng ilang detalye.

Sa pagdinig sa Senado araw ng Huwebes ay inamin na ni Aquino na tinawagan siya dati ni Albayalde para hindi ituloy ang dismissal order laban sa mga dati nitong tauhan sa Pampanga.

Si Albayalde ang dating Pampanga Police Provincial Director nang isagawa ng raid sa bahay ng isang Chinese national kung saan milyong pisong halaga ng shabu ang nakumpiska.

Samantala, sinabi ni Magalong na may nagsabi sa kanya na isang “hitman” ang kinuha para siya itumba.

Pero matapang nitong sinabi na dapat tiyakin ng mga nagbabanta sa kanya na hindi siya makakaligtas.

Gayunman, dasal ni Magalong na sana ay huwag galawin ang kanyang pamilya.

Si Magalong ang nagbunyag na tumanggap umano si Albayalde ng SUV matapos ang kwestyunableng drug raid noong 2013, bagay na itinanggi ng PNP chief.

 

 

Read more...