Gordon kinastigo si Albayalde dahil sa ‘ninja cops’ at drug raid sa Pampanga

Sinermunan ni Senator Richard Gordon si Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde dahil sa isyu ng “ninja cops” at kwestyunableng drug raid sa Pampanga noong 2013 noong siya ang police provincial director.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate blue ribbon committee araw ng Huwebes, pinagalitan ni Gordon si Albayalde dahil sa umanoy pagsisinungaling nito sa hearing.

Ito ay dahil sa pagdepensa ni Albayalde sa operasyon ng 13 pulis Pampanga sa isang subdivision sa bayan ng Mexico kung saan naaresto ang isang Chinese national at nakumpiska ang milyong pisong halaga ng droga.

Gayundin ang umanoy pakikialam ni Albayalde sa kaso ng mga pulis at pagharang sa kanilang dismissal, bagay na kinumpirma ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director general Aaron Aquino na noon ay PNP Region 3 regional director.

“We are very serious and to me, when the Senate is insulted, we turn really, really nasty. And that’s not a threat. We want you to know that we are serious about this…So I will call a spade a spade. You dropped the ball big time on this one. You dropped the ball,” ani Gordon.

Magsasalita pa sana si Albayalde pero pinigilan na ito ng senador at inulit ang kanyang unang pahayag na isang expression na ang ibig sabihin ay nagkamali ang PNP chief sa paghawak sa naturang drug raid at mga tauhan nito na sangkot sa drug recycling.

“My point here, it is about time we take our duties seriously…Dapat sabihin mo, kahit tao ko ang mga ‘yan, ipapakulong ko ang mga iyan. ‘Yan ang hinihintay ng tao,” pahayag pa ni Gordon.

 

Read more...