Nangako ang Philippine National Police (PNP) na muling maghahain ng kasong kriminal at administratibo laban sa 13 pulis-Pampanga na sangkot umano sa pag-rerecycle ng ilegal na droga.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, tinanong ni Senador Richard Gordon si PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) director Maj. Gen. Amador Corpus kung maikokonsidera ang paghahain muli ng kaso laban sa mga pulis kasabay ng unti-unting paglabas ng mga impormasyon laban sa umano’y ninja cops.
Ani Corpus, ito ay depende sa kautusan ni PNP chief General Oscar Albayalde.
Agad namang sinabi ni Albayalde na muling maghahain ng kaso at mag-iimbestiga ang PNP laban sa 13 pulis.
Ngunit, inihayag ni Albayalde na mas mabuti kung ang PNP-Internal Affairs Service ang magsagawa ng imbestigasyon at magsampa ng kasong administratibo laban sa mga pulis para maalis ang aniya’y “partiality.”
Sangkot ang 13 umano’y ninja cops sa kontrobersyal na anti-drug operation sa Mexico, Pampanga taong 2013.