Albayalde walang balak magbitiw sa pwesto

Jan Escosio, Radyo Inquirer

Hindi magbibitiw sa pwesto si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde sa kabila ng pagdawit sa kanya sa isyu ukol sa ninja cops.

Ito ay matapos magpayo si Sen. Richard Gordon na ikonsidera ng PNP chief ang pagbaba sa pwesto.

Pero ayon kay Albayalde, hindi siya pahuhuli sa umano’y patibong at hahayaan niya si Pangulong Rodrigo Duterte na magdesisyon sa kanyang kapalaran.

Iginiit pa ng PNP chief na abugado at naging piskal ang pangulo at hindi ito nagdedesisyon batay lamang sa mga akusasyon.

Maaabot na ni Albayalde ang mandatory retirement age na 56 sa susunod na buwan.

Samantala, dismayado ang PNP chief sa pag-atake sa kanya dahil naapektuhan umano nito ang PNP at maging ang kampanya laban sa iligal na droga, kriminalidad at korapsyon.

Una nang sinabi ni Pangulong Duterte noong Martes ng gabi na hihintayin niya muna ang resulta ng imbestigasyon ng Senado at ni Interior Secretary Eduardo Año bago magdesisyon ukol sa kahihinatnan ni Albayalde.

 

Read more...