Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na nananatiling matatag ang kanilang hanay sa kabila ng kontrobersya ukol sa drug recycling o ninja cops.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP spokesman Brig. Gen. Bernard Banac na inaantabayan pa ng kanilang hanay ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon ng Senado ukol sa usapin.
Hindi naman aniya nagpapaapekto ang PNP sa isyu at tuloy ang paglilingkod sa taumbayan.
Handa pa rin aniya ang PNP na tumugon sa oras ng pangangailangan sa anumang panig ng bansa.
Tiniyak din ni Banac na publiko na patuloy ang ipinatutupad na internal cleansing, at kampanya kontra sa ilegal na droga at mga tiwaling pulis.
Kahapon ay naging mainitan ang paghaharap sa Senado nina PNP Chief Oscar Albayalde at dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong dahil sa isyu ng ninja cops.