Gusali ng MBC nadamay sa sunog sa Star City

FireAlertMetroManila Twitter photo

(UPDATE as of 5am) Kontrolado na ang sunog sa Star City sa Pasay na sumiklab pasado alas-12:00 ng hatinggabi kanina.

Ayon kay Manila City Fire Marshall Supt. Paul Pili, nagsimula ang sunog alas-12:22 at itinaas sa Task Force Bravo pasado alas-2:25.

Idineklarang kontrolado na ang apoy pasado alas-4:30 ng madaling araw.

Maliit na lamang ang apoy ngunit patuloy na lumalabas ang makapal na usok sa nasusunog na gusali.

Ayon kay Pili, batay sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa isang stock room ng Star Games na pinaglalagyan ng mga tela, stuffed toys at iba pang gamit.

Nahirapan ang mga bumbero na apulahin agad ang sunog dahil sa lawak ng apektadong lugar at mabilis na pagkalat ng apoy.

Tinatayang nasa 60 percent ng Star City ang natupok ng apoy.

Sunog ang Snow World, ang gusaling pinaglalagyan ng indoor games at indoor rides, ang Star Theater, stalls ng mga tindahan at damay din ang Manila Broadcasting Company (MBC).

Tigil-operasyon na sa ngayon ang DZRH.

Sa press briefing ni Atty. Rudolph Steve E. Jularbal, Vice President ng Legal and Regulatory Compliance Group ng MBC, posibleng sa October 2020 na bumalik ang operasyon ng Star City.

Kahit madaling-araw na, napasugod sa Star City ang ilang mga empleyado ng Snow World.

Nangangamba ang mga empleyado na mawawalan sila ng trabaho at ikinalulungkot na nangyari ito habang nalalapit pa ang Pasko.

Sinabi naman ni Jularbal na pinag-aaralan na kung bibigyan ng financial assistance ang mga empleyado.

Read more...