Pinaiimbestigahan ng minorya sa Kamara kung saan napunta ang P35M pabuya para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe noong Disyembre ng nakaraang taon.
Sa House Resolution No. 384 na inihain ni House Minority leader at Manila 6th District Benny Abante, ang P35 milyon ay ibinigay sa PNP para sa “safekeeping at disbursement to qualified witnesses”
Nakasaad dito na nakatanggap siya ng impormasyon na karamihan sa mga witnesses ay hindi nakatanggap ng kanilang bahagi mula sa bunty at ngayon ay natatakot na dahil na rin sa kawalan nila ng pinansyal na kapasidad na ma-secure ang kanilang sarili at kanilang mga pamilya mula sa mga pagbabanta sa kanilang mga buhay.
Pinagpapaliwanag naman ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin ang PNP sa Kamara kung paano ipinamahagi ang P35 milyon reward para sa ikadarakip ng mga pumatay kay Batocabe,
Paliwanag pa ni Garbin sa kabuuang halaga P13 milyon dito ang mula sa mga kongresista , P20 milyon mula kay Pangulong Duterte at ang P2 milyon ay mula sa provincial government ng Albay.
Si Batocabe , na tumatakbong Mayor ay pinagbabaril kasama ang kanyang police escort hanggang sa mapatay noong Disyembre 22 ng nakaraang taon habang namamahagi ng mga regalo sa Brgy. Bugos sa Daraga, Albay.
Itinuturong mastermind sa pagpatay ang noon ay si Daraga Albay Mayor Carlwin Baldo na inaresto at nakulong subalit pinayagan din itong makapag piyansa ng Branch 10 ng Legazpi RTC.