Aquino: Tinawagan ako ni Albayalde tungkol sa kaso ng mga tauhan niya

Isiniwalat ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na tumawag sa kaniya si Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde ukol sa kaso ng labing-tatlong pulis-Pampanga taong 2016.

Ang labing-tatlong pulis ay nahatulang guilty sa kasong grave misconduct ukol sa mga nakumpiskang ebidensiya sa buy-bust operation sa Mexico, Pampanga noong November 2013.

Ang mga pulis ay nasa ilalim ng pamumuno ni Albayalde bilang Pampanga police provincial director sa nasabing taon.

Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Aquino na humingi si Albayalde ng detalye ukol sa kaso ng mga pulis.

Noong panahon na iyon, si Aquino pa ang hepe ng Police Regional Office 3 (PRO3).

Humiling din aniya sa kaniya si Albayalde na rebyuhin ang kaso dahil nais nitong malaman kung ano ang magiging resulta ng kaso.

Ani Aquino, tinanong niya si Albayalde kung bakit siya humihingi ng detalye sa kaso.

Sinagot lamang aniya ng PNP chief na ito ay dahil tao niya ang mga sangkot sa nasabing kaso.

Maliban kina Aquino at Albayalde, humarap din sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee si Baguio City Mayor at dating Criminal Investigations and Detection Group (CIDG) chief Benjamin Magalong.

Read more...