Inamin ni Baguio City Mayor at dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Benjamin Magalong na nakausap niya si Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Magalong na kasama sa nasabing pag-uusap sina Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino at Sen. Bong Go.
Naganap ang nasabing pulong sa Manila Hotel.
Gayunman, hindi na ibinigay ni Magalong ang detalye ng nasabing pulong.
Naganap ang pag-uusap ilang araw bago ang pagharap sa Senado kanina ni Magalong kung saan ay kanyang ibinigay ang detalye kaugnay sa kanyang nalalaman sa operasyon ng “ninja cops”.
Sa pagdinig ng Senado ay idinetalye ni Magalong ang resulta ng kanilang ginawang imbestigasyon sa mga dating tauhan ni PNP Chief Oscar Albayalde noong ito pa ay pinuno ng Pampanga Provincial Police Office.
Sinabi ni Magalong na pina-imbestigahan sa kanya ni dating PNP Chief Alan Purima ang kaugnayan ng mga ito sa pagre-recycle ng iligal na droga.