Hindi napigilan ang palitan ng akusasyon sa pagitan nina Philippine National Police Chief Oscar Albayalde at Baguio City Mayor at dating Criminal Investigations and Detection Group (CIDG) chief Benjamin Magalong.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, kinuwestyon ni Albayalde ang motibo ni Magalong sa pagsabit sa kanyang pangalan sa “Ninja Cops”.
Sinabi ni Albayalde na naparusahan na ang kanyang mga dating tauhan sa pagkakamali sa isang anti-drug operations at hindi naman napatunayan ang kanyang kaugnayan dito.
Hindi rin nagustuhan ni Albayalde ang naunang pahayag ni Magalong na nagkaroon ng mga Sports Utility Vehicle (SUV) ang kanyang mga tauhan makaraan ang pag-raid sa bahay ni Jayson Lee sa Pampanga noong November 29, 2013.
Binigyang-diin ni Albayalde ng isang lumang pick-up truck ang kanyang sasakyan noong mga panahong iyun.
Bago ito ay sinabi ni Magalong na nasibak sa kanyang pwesto bilang provincial director ng Pampanga Police Office si Albayalde dahil sa nasabing operasyon.
Binuweltahan ni Albayalde ang alkalde ng Baguio City na sana ay hinuli at kinasuhan nito ang mga sinasabing ninja cops dahil siya ang hepe ng Directorate for Intelligence and Detection Management noong mga panahong iyun.
Nilinaw naman ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na maraming sablay sa nasabing PNP operation.