Albayalde at mga dating tauhan isinangkot ni Magalong sa “Ninja Cops” probe

Inquirer file photo

Pinagalanan ni Baguio City Mayor at dating Criminal Investigation and Detention Group (CIDG) chief Benjamin Magalong ang ilang mga “Ninja Cops”.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Senado, sinabi ni Magalong na inatasan siya ni dating Philippine National Police (PNP) Chief Alan Purisima na imbestigahan ang mga pulis na nag-recycle ng nakumpiskang iligal na droga sa lalawigan ng Pampanga noong 2013.

Si PNP Chief Oscar Albayalde ang pinuno ng Pampanga Police Office noong mga panahong iyun.

Sinabi ni Magalong na pina-imbestigahan rin sa kanya ang pagkakaroon ng Sports Utility Vehicles (SUV) ng ilan sa mga dating tauhan ni Albayalde na isinangkot sa droga.

Base sa impormasyon ni Magalong, umaabot sa 200 kilo ang nakuha sa raid sa bahay ng isang suspected drug lord sa Pampanga pero 30 kilos lamang ng shabu ang kanilang idineklara.

Kabilang sa mga pulis na pinangalanan ni Magalong ay sina:

Superintendent Rodney Raymundo Baloyo IV;

Senior Inspector Joven de Guzman Jr.;

Senior Police Officer 1 Jules Maniago;

Senior Police Officer 1 Donald Roque;

Senior Police Officer 1 Ronald Santos;

Senior Police Officer 1 Rommel Vital;

Senor Police Officer 1 Alcindor Tinio;

Senior Police Officer 1 Eligio Valeroso;

Police Officer 3 Dindo Dizon;

Police Officer 3 Gilbert De Vera;

Police Officer 3 Romeo Guerrero Jr.;

Police Officer 3 Dante Dizon; and

Police Officer 2 Anthony Lacsamana

Naganap ang nasabing anti-drug operations noong November 29, 2013 sa bahay ng isang Jayson Lee sa Woodbridge Subdivision, Lakeshore View, Pampanga ayon kay Magalong.

Sangkot sa nasabing operasyon ang mga tauhan ng Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force ng Pampanga Provincial Police Office.

Sinabi ni Magalong na nagbayad rin ng P50 Million si Lee kaya ito nakalaya sa custody ng mga pulis.

Dahil sa nasabing imbestigasyon ay sinibak si Albayalde bilang pinuno ng Pampanga Police Office.

Noong 2017 ay naglabas ng utos si dating PNP Region 3 Director Amador Corpuz na patawan ng one-rank demotion ang mga pulis na sangkot sa nasabing operasyon.

Read more...