Dahil sa tinatawag na Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) ay simula na ng utay-utay na pagtaas sa singil ng Maynilad at Manila Water ngayong buwan ng Oktubre.
Nasa P0.17 ang average na taas sa lahat ng customers ng Manila Water.
Dahil dito, nasa P0.92 ang dagdag-singil ng Manila Water sa may konsumong 10 cubic meter; P2.05 sa may konsumong 20 cubic meter; P4.20 sa may konsumong 30 cubic meter at P9.16 sa may konsumong 50 cubic meter.
Habang ang Maynilad ay P0.02 ang average na dagdag-singil sa lahat ng kanilang customers.
Nangangahulugan ito ng P0.09 na dagdag-bayad sa konsumong 10 cubic meter; P0.34 sa konsumong 20 cubic meter at P4.20 sa konsumong 30 cubic meter.
Ayon sa dalawang kumpanya, mas malaki pa sana ang dagdag singil ngayong buwan pero inunti-unti ito ng MWSS para hindi gaanong mabigat sa mga consumers.
Ayon kay MWSS chief regulator Patrick Ty, masyadong malaki ang kabuuang halaga kaya imbes na P0.27 taas singil ay ginawa itong P0.17 at P0.02 imbes na P0.04.
Ang FCDA ang halagang binabayaran ng consumer dahil sa paggalaw ng piso kontra dolyar at iba pang foreign currencies na ibinabayad ng Manila Water at Maynilad sa kanilang mga utang.
Samantala, sa Enero, 2020 ang implementasyon ng natirang P0.10 dagdag singil ng Manila Water at P0.02 ng Maynilad.