Robredo: Pagpapatupad ng ban sa PH officials karapatan ng US

Malaya ang Estados Unidos na makapamili kung sino lang ang papayagan o hindi na makapasok sa kanilang teritoryo ayon kay Vice President Leni Robredo.

Ito ay matapos aprubahan ng US Senate appropriations committee ang panukalang ipagbawal ang pagpasok ng mga opisyal ng Pilipinas na may kinalaman sa pagpapakulong kay Sen. Leila de Lima.

Sa kanyang radio show araw ng Linggo, sinabi ng bise presidente na hindi man sumang-ayon ang Pilipinas ay karapatan ng US na ipatupad ang naturang hakbang bilang isang bansa.

“Ito karapatan. Pweding hindi tayo sang-ayon pero hindi siguro natin maipagkaila na karapatan nila ‘yun bilang isang bansa, kaya nga tayo kumukuha ng visa kasi sila yung may karapatan mag-approve kung sino yung papasok o hindi,” ani Robredo.

Paliwanag ni Robredo, nagpapakita lamang ito na seryoso ang US sa kampanya kontra human rights violations.

“And now America is using this [right] to show other countries that there are values that are important to them and they will use the power of their government to spread this message,” dagdag ni Robredo.

Samantala, nasa gobyerno naman na anya ng bansa kung makakaramdam ng pressure sa hakbang ng US Senate.

Iginiit ni Robredo na kung mayroon mang planong panghimasukan ang Pilipinas ay nasa gobyerno kung papayagan ito o hindi.

“Yung sakin, kahit pa na may attempts na panghimasukan tayo, pagayaw natin kaya natin yun harangin. Pareho din yung mga threats sa ating sovereignty, nasa satin yun kung papayagan natin o hindi,” giit ng bise presidente.

Read more...