2 patay, 32 sugatan sa riot sa Manila City jail

Patay ang dalawang preso ng Manila City Jail habang 32 pa ang sugatan matapos sumiklab ang riot Linggo ng umaga.

Ayon kay Manila Police District (MPD) homicide section chief Master Sgt. Donald Panaligan, kinilala ang mga nasawi na sina Lito Escala, 39 anyos at Alvin Royo, 37 anyos.

Nadala pa sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang dalawa ngunit idineklarang dead-on-arrival dahil sa head trauma.

Ayon kay city jail public information officer Senior Insp. Jayrex Bustinera, ang sagupaan ay naganap sa dorms 11 at 12 sangkot ang mga miyembro ng Sputnik Gang at Batang City Jail.

Nag-ugat ang riot dahil sa away ng dalawang preso sa higaan.

Inaalam pa ngayon kung ang mga nasawing preso ang nagpasimula sa riot.

Samantala, pitong preso pa ang dinala sa ospital dahil sa serious injuries ayon kay Bustinera.

Ayon sa jail officer, siksikan ang mga preso sa Manila City Jail dahil sa populasyon nitong 5,350, higit sa tatlong beses ng kapasidad lamang nito.

Sa dorms 11 at 12 na naganap ang riot, 800 ang nagsisiksikan gayong kasya lamang rito ang 200 preso.

Read more...