Ayon sa 11pm severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 285 kilometro Silangan ng Basco, Batanes.
Taglay na nito ngayon ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbusong aabot sa 150 kilometro bawat oras.
Patuloy na kumikilos ang bagyo sa direksyong Hilagang-Kanluran sa bilis na 25 kilometro bawat oras.
Nakataas ngayon ang tropical cyclone wind signal no. 1 sa Batanes at Babuyan Group of Islands.
Ayon kay PAGASA weather specialist Meno Mendoza, patuloy na magdadala ng kalat-kalat na mahina hanggang katamtamang mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang trough ng Bagyong Onyok sa Cagayan Valley region.
Hindi naman inaasahang tatama sa kalupaan ang bagyo.
Inaasahan itong lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) Lunes ng gabi.
Samantala, nakataas ngayon ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa northern coast ng Ilocos Norte, Cagayan, Isabela, Aurora, Quezon kasama ang Polilio Island.