Batay sa severe weather bulletin ng PAGASA bandang 5:00 ng hapon, huling natamaan ang sentro ng bagyo sa 455 kilometers Silangang bahagi ng Calayan, Cagayan bandang 4:00 ng hapon.
Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 110 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 135 sa kilometers per hour.
Bumilis din ang takbo ng bagyo sa direksyong Hilagang Kanluran sa bilis na 25 kilometers per hour.
Dahil dito, nakataas pa rin ang tropical cyclone wind signal no. 1 sa Batanes at Babuyan Islands.
Magdudulot ang trough ng Bagyong Onyok ng kalat-kalat na mahina hanggang katamtamang lakas ng ulan at thunderstorms sa Cagayan Valley, Apayao at Ilocos Norte mula araw ng Linggo hanggang Lunes ng umaga.
Sinabi ng PAGASA na malabong tumama sa kalupaan ng bansa ang bagyo.
Ayon pa sa weather bureau, posibleng lumabas ang bagyo ng Philippine Area of Responsibility (PAR), Lunes ng gabi, September 30.