Go, Sotto: US senators na humirit ng travel ban laban sa mga nagpakulong kay De Lima dapat ding i-ban

Binuweltahan nina Senate President Tito Sotto at Senator Bong Go ang dalawang senador sa Amerika na humirit ng travel ban laban sa mga nagpakulong kay Senator Leila de Lima.

Nais nina Sotto at Go na bawalan din sina US Senators Patrick Leahy at Dick Durbin na pumunta sa Pilipinas.

Ayon kay Sotto, pakialamero sina Leahy at Durbin at paano anya kung mayroong mambabatas sa bansa na maghain ng resolusyon na bawalan ding pumasok ang lahat ng mambabatas na magkakasa ng impeachment laban kay US President Donald Trump?

Bagamat inosente anya si De Lima hanggat hindi napatunayang guilty, hindi pwede na senador ng Amerika ang maging judge sa kaso nito.

Plano naman ni Go na ipanukala kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-ban sa dalawang senador ng Estados Unidos.

Ayon kay Go, nanghihimasok ang dalawang US senators sa internal affairs ng Pilipinas at isa anya itong pagbatikos sa judicial process at soberanya ng bansa.

Matagal nang ipinanawagan nina Leahy at Durbin na mapalaya si De Lima at nagpanukala sila na amyendahan ang panukalang pondo sa 2020 State and Foreign Operations para hindi makapasok sa Amerika ang sinumang opisyal ng gobyerno ng Pilipinas na kabilang sa nagpakulong sa senadora.

 

Read more...