Kumakalat na balita hinggil sa insidente ng pananaksak at pagnanakaw sa Ermita itinanggi

Pinasinungalingan ng mga otoridad sa Maynila ang kumakalat na balita ukol sa insidente ng pananaksak at pagnanakaw sa bahagi ng Ermita.

Lumitaw kasi ang ilang ulat na apat na estudyante umano ng Adamson University ang nasaksak at nanakawan ng hindi pa nakikilalang grupo sa bahagi ng San Marcelino Street, Huwebes ng gabi.

Sa abiso ng Manila Public Information Office (PIO), sinabi ng Manila Police District (MPD) at Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na walang katotohanan ang nasabing ulat.

Nagbabala naman ang mga otoridad sa publiko na huwag nang palalain ang sitwasyon sa pamamagitan ng pagkakalat ng mga pekeng impormasyon matapos ang sumiklab na sunog sa lugar.

Ayon sa Manila PIO, posible itong magdulot ng takot at pangamba sa mga residente sa lugar.

Read more...