Batay sa abiso ng PAGASA, huling namataan ang sama ng panahon sa layong 1,410 kilometers east sa bahagi ng Visayas bandang alas 10:00 ng umaga.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kilometers per hour.
Tinatahak ng bagyo ang direksyong Kanluran Hilagang-Kanluran sa bilis na 30 kilometers per hour.
Ayon sa PAGASA, posibleng pumasok ang tropical depression sa loob ng bansa sa susunod na 24 hanggang 36 oras at tatawagin itong Onyok.
Sinabi rin ng weather bureau na posible itong lumakas at maging tropical storm sa susunod na 24 oras.
Gayunman, sinabi ng PAGASA na malabong tumama sa kalupaan ng bansa ang nasabing bagyo.
Inabisuhan naman ang publiko at disaster risk reduction and management council na mag-antabay sa pinakahuling update ukol sa lagay ng panahon.