Ibubunyag ng Senado sa susunod na linggo ang 14 na “ninja cops” o ang mga pulis na sangkot sa umanoy pag-recycle ng mga drogang nakumpiska sa mga anti-drugs operations.
Ayon kay Senator Richard Gordon, papangalanan sa October 1 ang 14 na pulis sa joint hearing ng justice at blue ribbon committees.
Ang mga pulis ay iimbitahan anya sa pagdinig ng Senado kaugnay ng pagkasangkot umano ng ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa kalakalan ng droga kabilang ang tinatawag na drug recycling.
Maaari anyang kasama si PNP chief General Oscar Albayalde sa susunod na hearing.
Sinabi ni Gordon na isasapubliko nila ang pangalan ng ninja cops kahit mauna pa si Pangulong Rodrigo Duterte na ihayag ang kanilang pagka-kilanlan.
Una nang pinangalanan ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) head at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang ninja cops sa executive session noong September 19.
Ito ay kasabay ng pagbunyag sa “agaw-bato” modus kung saan ibinebenta ng mga tiwaling pulis ang mga narekober na droga sa mga drug lords na patuloy ang operasyon kahit nakakulong na sa Bilibid.