Kinaibigan, ipinasyal, pinakain at ninakawan.
Sa ganitong paraan napagtanto ng Portuguese artist at turistang si Luís Simões na hindi ligtas ang Maynila para sa mga dayuhang tulad niya.
Si Simoes ay nasa Maynila para idokumento ang kaniyang mga paglalakbay sa pamamagitan ng sketching o pagguhit, ngunit sa kasamaang palad ay dito rin siya nabiktima ng tinatawag na “Ativan gang.”
Modus ng gang ay ang kaibiganin ang mga dayuhan at pakainin sila ng mga pakaing may droga, tulad ng Ativan para mawalan ng malay at manakawan nila.
Hindi niya lubos akalain na ang mga taong nag-magandang loob na isama siya sa pamamasyal ay iyon ring mga taong manloloko sa kaniya.
Nangyari ang insidente noon pang Dec. 22, 2015 nang makilala niya ang dalawang babae na inimbitahan siyang sumama sa kanila para mamasyal, at niyaya pa siya sa 199 Bar and Restaurant sa Arnaiz St. sa Pasay.
May nadagdag pa umano sa kanila na isang lalaking nagpakilalang pinsan ng mga babae, na agad naman niyang nakagaanan ng loob.
Napansin niya na parang nilalasing siya ng lalaking kasama nila habang sila ay kumakanta sa videoke.
Aminado siyang lasing na siya nang siya ay dalhin sa isang van na may sakay na dalawang iba pang tao, at sinabi sa kaniyang bibisita lang sila sa kaanak ng mga kasama niya.
Binigyan siya nang binigyan ng pakain at inumin sa van, at bigla na siyang inantok, pagkatapos ay tinanong siya ng isa sa mga babae kung saan siya pansamantalang namamalagi sa Maynila.
Pagkagising na lamang niya sa hostel sa Makati City, napag-alaman niyang wala na ang mga mahahalaga niyang gamit, pati na ang sketch na ginawa niya para sa isa sa mga babaeng kasama niya at ang kaniyang debit card.
Hindi naman kinuha ang kaniyang phone at camera, ngunit tinangka ng mga magnanakaw na burahin lahat ng mga files doon kung saan may selfie pa siya kasama ang mga kawatan.
Pero na-retrieve niya ang lahat ng files, pati na ang kuha niya sa sketch niyang ginawa para sa isa sa mga suspek.
Agad niyang ipina-block ang kaniyang card ngunit nakapaglabas na pala ng pera ang mga suspek ng nagkakahalagang P40,000 mula rito.
Dahil dito, nawalan na ng tiwala si Simoes na makipagkilala sa ibang taong makakasalamuha niya sa hinaharap.
January 2 na niya ito nai-report sa mga pulis, matapos niyang mamasyal sa may hilagang bahagi ng bansa.
Ayon kay PO3 Miko Camillo ng Pasay police, karaniwang hindi natutuloy ang kaso laban sa mga miyembro ng Ativan gang dahil ang mga biktima ay hindi maaring manatili ng matagal sa bansa.
Wala nang balak bumalik dito si Simoes at hindi na niya inaasahang maibabalik pa ang pera niya pero nais lang niyang mag-silbing aral sa mga dayuhang tulad niya ang kaniyang karanasan.