Naniniwala si Senador Richard Gordon na posibleng ginagamit bilang ‘diversionary tactic’ ang paglutang ng tinaguriang “drug queen” sa Maynila mula sa isyu ng mga ‘ninja cop.’
Ayon sa senador, nakapagtataka kung bakit biglang lumitaw ang mga akusasyon laban sa sinasabing “drug queen” sa Maynila na si Guia Gomez Castro.
Aniya, posible ring ito ang ginagamit para maalis ang posibleng witness laban sa mga police senior official.
Iginiit ni Gordon na maaaring maramng nalalaman si Castro laban sa mga police senior official.
Maliban dito, kinuwestyon din ng senador ang timing ng paglalabas ng impormasyon ukol kay Castro matapos isiwalat ni dating PNP-Criminal Investigation and Detection Group director Benjamin Magalong sa “agaw bato” scheme.
Samantala, sinabi ni Gordon na sinusubukan niyang mag-imbita ng isang aktibong pulis na maaaring makatulong sa pagsuporta ng mga inilabas na impormasyon ni Magalong sa executive session sa Senado noong September 19.