Inakusahan ng pamahalaan ng Iran ang Saudi Arabia na nasa likod ng pagpapasabog sa embahada nito sa Yemen.
Ito’y sa gitna ng lalong tumitinding tensyon sa pagitan ng Saudi Arabia at Iran na lumala dahil sa pagbitay sa isang Shiite cleric kamakailan lamang.
Ayon kay Iranian Foreign Ministry spokesman Hossein Jaberi Ansari, naniniwala silang tinarget talaga ng Saudi Arabia air strike ang kanilang embahada sa Sanaa, Yemen na ikinasugat umano ng ilang tauhan.
Ngunit ayon naman sa mga residenteng nakakita sa insidente, wala namang pinsalang natamo ang mismong gusali ng embahada, at ang bisinidad lamang nito ang tinamaan.
Samantala, naniniwala naman ang deputy crown prince ng Saudi Arabia na walang magaganap na giyera sa pagitan ng Iran at ng kanilang kaharian.
Ani Deputy Crown Prince Mohammed bin Salman, wala sa tamang pag-iisip ang sinumang ipagtutulakan na magkaroon ng sigalot sa pagitan ng dalawang bansa, at hindi rin aniya nila ito hahayaang mangyari dahil magsasanhi ito ng malaking kaguluhan sa kanilang rehiyon.
Ipinagtanggol rin ni Prince Mohammed ang pagbitay sa Shiite cleric na ikinagalit ng mga Iranians at sinabing sa pagbibigay ng sintensya, sinisiyasat ng korte ang krimen o ang kaso ng isang tao, at hindi kung ito ba ay isang Shiite o Sunni.