Umapela ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga transport groups na irekonsidera ang ikinasang tigil pasada sa September 30.
Panawagan ito ng LTFRB kasunod ng nakatakdang transport strike ng Alliance of Concerned Transport Ogranization (ACTO) at Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston).
Ang tigil pasada ay bilang protesta sa panukalang phaseout ng mga lumang jeepney at UV express service units sa susunod na taon alinsunod sa public utility service modernization program.
Ayon sa ahensya, tiyak na makaka-perwisyo sa mga pasahero ang tigil pasada at pwedeng makaapekto sa public safety.
Nagpaalala naman ang LTFRB na maaaring masuspinde o makansela at tuluyang ma-revoke ang prangkisa ng sasakyang sasali sa transport strike.
Dapat umanong sumali ang mga grupo at kaukulang sektor sa dayalogo para maipaalam ang kanilang mga problema sa PUV modernization program.