Sinabi ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na tiyak niyang babawiin ng China ang Scarborough Shoal bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinaliwanag ng opisyal na kritikal ang huling tatlong taon sa pwesto ni Duterte dahil sinabi nito na wala siyang gagawing hakbang para pigilin ang China sa kanilang mga aktibidad sa Panatag o Bajo de Masinloc.
Hindi rin nagustuhan ni Carpio ang pinasok na kasunduan ng pamahalaan sa iba pang claimant-countries sa West Philippine Sea kaugnay sa “code of conduct” sa mga pinag-aagawang isla.
Dahil sa nasabing kasunduan, nakalalamang na ang China dahil wala nang pwedeng magtayo ng anumang istraktura sa West Philippine Sea matapos maitayo ang ilang artificial Island.
Gayunman, ipinaliwanag ni Carpio na bahagyang lumambot ang China sa kanilang claims sa disputed territory dahil sa pagpayag nila sa joint oil exploration sa lugar.
Bagaman ang kasunduan ay sa pagitan ng China National Offshore Corporation (CNOOC) at Forum Energy na isang Filipino compamy na parehong pribadong kumpanya ito naman ay nangangahulugan na kinikilala na rin ng China ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.