Lalaki patay sa Oplan Sita sa Caloocan

File photo

Nasawi ang isang lalaki matapos makaengkwentro ang mga pulis na nagsasagawa lamang ng Oplan Sita sa Maypajo, Caloocan City.

Kinilala ang nasawing lalaki na si Mark Llanete habang arestado ang isa pa niyang kasamahan na si Fernando Pascual.

Sa impormasyon ni Caloocan Police Chief P/Col. Noel Flores, nagsasagawa lamang ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Anti-Carnapping Unit sa kahabaan ng A. Mabini Street nang mamataan sina Llanete at Pascual kasama ang isa pang lalaki sakay ng motorsiklo.

Nang lapitan ang tatlo ng pulisya, agad na bumunot ng baril si Llanete at nauwi na sa engkwentro.

Sapul sa panga si Llanete habang nagtangkang tumakas ang dalawa pa ngunit nahuli si Pascual.

Patuloy namang pinaghahanap ang isa pa nilang kasamahan.

Isinugod pa sa Caloocan Medical Center si Llanete ngunit hindi na umabot pa ng buhay.

Narekober mula sa nasawing suspek ang kalibrer .38 na revolver at ang motorsiklo na gamit nito.

 

Read more...