Labing-pito sa 24 na senador ang pumayag na ilabas ng Senado ang executive session kaugnay ng mga pulis na umanoy sangkot sa recycle ng droga.
Binigyan ng mga senador ng authority ang Senate committee on justice na ilabas ang nilalaman ng executive session pabor sa mosyon ni Senator Ronald Dela Rosa.
Dahil dito ay maisasapubliko na ang pangalan ng mga pulis na tinatawag na “ninja cops” na tinalakay sa executive session noong nakaraang linggo.
Partikular na ilalabas ang nilalaman ng executive session sa pagdinig ng Senado sa kontrobersyal na good conduct time allowance (GCTA) law.
Una rito ay nag-mosyon si Dela Rosa na ilabas ang napag-usapan sa executive session sa gitna ng pagkasangkot ng pangalan ni Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde sa isyu ng umanoy “agaw-bato scheme.”
Hindi anya patas kay Albayalde na masangkot sa isyu kung wala itong kinalaman sa kalakalan ng droga.