Dating Agriculture Sec. Manny Piñol umalma makaraang isisi sa kaniya ang ASF outbreak

FILE Photo

Umalma si dating Agriculture Secretary Manny Piñol sa tila pagsisi sa kanya sa outbreak ng African swine fever sa bansa.

Reaksyon ito ni Piñol sa pahayag ng kasalukuyang Agriculture Secretary William Dar na buwan pa lamang ng Mayo, o tatlong buwan bago siya maitalagang kalihim ng kagawaran ay may mga insidente na ng pagkakasakit ng baboy sa ilang lugar sa Rizal at Bulacan.

Sa kanyang Facebook account, sinabi ni Piñol na dapat itigil ni Dar ang “blame game” kaugnay ng ASF outbreak.

Itinanggi rin ng dating kalihim na itinago nila sa publiko ang nasabing sakit.

Ipinaliwanag pa niya na kung totoo na buwan ng Mayo pa lang ay mayroon nang ASF, dapat aniya ay alam ni Dar na ang ASF virus ay may incubation period na 4 hanggang 19 na araw.

Dagdag pa ni Piñol na hindi makakatulong sa pagresolba sa problema ang pagbabatuhan ng sisi.

Read more...