Lacson: Bawat isa sa 22 deputy speakers may P1.5B dagdag alokasyon ng pondo

Kuha ni Jan Escosio

Ibinunyag ni Senator Panfilo Lacson na may natanggap silang impormasyon ukol sa karagdagang alokasyon para sa mga miyembro ng mababang kapulungan.

Ayon kay Lacson, bawat isa sa 22 deputy speakers ay may P1.5 billion na dagdag alokasyon ng pondo.

Ang dagdag pondo anya ay nakapaloob sa 2020 4.1 trillion proposed national budget.

Pero tiniyak ni Lacson na kung totoo ang impormasyon ay magiging mapait ito sa panlasa ng mga senador.

Dagdag ng senador, ang ganoon kalaking halaga ay hindi pwedeng hindi mapapansin ng mga kapwa niya senador dahil lubhang napakalaking halaga ang pinag-uusapan.

Unang sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na ang bawat isang kongresista ay tatanggap ng P100 milyon mula sa pambansang budget sa susunod na taon.

Ayon kay Lacson, si Salceda pa lang naman ang nagbunyag ng karagdagang alokasyon at maaring itanggi ito ng mga kapwa niya mambabatas.

Ngunit paglilinaw nito, kung ang sinasabing alokasyon ay nakapaloob na sa national expenditure program, wala nang magiging problema o isyu.

Pagdidiin pa ng senador, hindi pa naaprubahan ng kamara ang 2002 proposed national budget dahil nagpapatuloy ang deliberasyon at pag-amyenda.

Magugunita na nito lang taon ganap na naaprubahan ang national budget matapos madiskubre ng mga senador ang mga isiningit na alokasyon sa kamara at ito ay na-veto din ni Pangulong Rodrigo Duterte.

 

Read more...