PMA head Ronnie Evangelista magbibitiw lang sa pwesto kapag iniutos ni Duterte

RICHARD MADELO/PRESIDENTIAL PHOTO

Nanindigan si Philippine Military Academy (PMA) superintendent Lieutenant General Ronnie Evangelista na bababa lamang siya sa pwesto kapag ipinag-utos mismo ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Magugunitang nakaladkad muli ang pangalan ng PMA dahil sa panibagong hazing incident na ikinasawi ng fourth class cadet na si Darwin Dormitorio.

Sa panayam ng media araw ng Lunes, sinabi ni Evangelista na kapag sinabi ng pangulo na sibak na siya sa pwesto ay wala naman siyang magagawa.

Giit ng PMA official, ang pangulo ang nagtalaga sa kanya sa pwesto at aalis lamang siya kapag mismong si Duterte na ang nagsabing ayaw na nito sa kanyang serbisyo.

“Ako nga, ang nagappoint sa akin, President eh. ‘Di siyempre ‘yung Presidente rin ang puwedeng magalis sa akin. Kung sabi niya na ayaw na niya sa akin, that would be the time na aalis ako,” ani Evangelista.

Bagama’t handang bumaba sa pwesto, sinabi naman ni Evangelista na nais niya munang matapos ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Dormitorio.

“Hopeful ako na sana kung merong ganoon eh matapos muna ito kasi sabi ko, I never back down in the middle of a firefight. Sayang naman,” dagdag ng PMA official.

Nauna nang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na dapat nang magbitiw sa pwesto si Evangelista dahil hindi nito alam ang nangyayari sa akademyang kanyang pinamumunuan.

 

Read more...